8 Bagay na Kailangan Nating Malaman Tungkol sa Araw ng Kalayaan
Jun 12, 2017 • 8List
Jun 12, 2017 • 8List
Ilang taon na nga ba nating ipinagbubunyi ang Araw ng Kalayaan? 119 na taon o 71 na taon? Sino ang unang lumikha ng ating Pambansang Awit? Bakit ika-12 ng Hunyo, at hindi ika-4 ng Hulyo?
Marami ka pang dapat malaman tungkol sa pagkakalaya natin sa mga Kastila—o sa mga Amerikano nga ba? Ah, basta! Narito ang listahan ng mga mahahalagang impormasyon na dapat malaman ngayong Araw ng Kalayaan.
Si Emilio Aguinaldo mismo ang lumikha sa itsura at kulay ng ating Pambansang Watawat, sa tulong ni Marcela Agoncillo na noo’y nasa Hongkong. Ito ay tinahi nang maigi kasama ni Delfina Herbosa Natividad, pamangkin ni Jose Rizal; at ang anak ni Marcella Agoncillo.
Ang watawat ng Pilipinas na inilabas noong ika-28 ng Mayo 1898 ay nawala sa Tayug, Pangasinan noong pumunta si Heneral Aguinaldo sa Hilagang Luzon para sa Filipino-American War. Ngunit ang kauna-unahang watawat ng Pilipinas ay makikita pa rin sa isang museo na pagmamay-ari ng pamilya ni Emilio Aguinaldo sa Baguio City.
Hep hep, tama na muna ang #Symbolism natin. Alam niyo bang may iba’t ibang uri ng paggamit ng ating watawat ayon sa Republic Act No. 8491? Ang tamang posisyon ng watawat natin kapag ito naka-wagayway sa hangin ay nasa itaas ang bughaw na kulay, ngunit sa panahon ng digmaan, ang kulay bughaw ay nasa baba at ang pula ang siyang nasa ibabaw. At kung ang watawat naman ay nakasabit, ang bughaw ang nasa kanan para sa kapayapaan, at pula ang nasa kanan sa oras ng digmaan.
Ayon sa kaalaman ng karamihan, ang tatlong bituin sa watawat ng Pilipinas ay Luzon, Visayas, at Mindanao. Ngunit ang totoo d’yan ay ito’y sumisimbolo sa Luzon, Panay, at Mindanao! Bakit? Dahil ang tatlong nabanggit na pangunahing lugar ang nagsimula ng rebolusyon sa buong bansa.
“Marangal na Dalit ng Katagalugan” ay ang kauna-unahang Pambansang awit ng Pilipinas bago ang “Lupang Hinirang” na galing kay Emilio Aguinaldo. Likha ‘to ni Andres Bonifacio na binigyang kulay ni Julio Nakpil.
Alam niyo ba ang sagot? Kahit na mayroon na tayong pambansang awit na nilikha ni Andres Bonifacio, desisyon pa rin ni Emilio ang nasunod. Kinakanta natin ang “Marcha Nacional Filipino” o sa ngayo’y “Lupang Hinirang”, mula sa nilikhang tula ni Jose Palma na inilimbag noong 1899 sa La Independencia. Binigyan naman ito ng kulay ni Julian Felipe, na kinita pa ni Emilio Aguinaldo noon para i-ayon sa kaniyang kagustuhan.
Kumbaga sa sikat na tanong: ‘ano ang nauna, itlog o manok?’ Bago ang pagdedeklara ng kalayaan ng mga Pilipino, mas nauna nang ginamit nila Emilio Aguinaldo ang watawat ng Pilipinas noong ika-28 ng Mayo sa digmaan ng Alapan sa Imus, Cavite.
Noong ika-12 ng Hunyo 1898 idineklara ni Heneral Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya, ngunit dahil sa Treaty of Paris, tayo ay hawak pa rin ng mga Amerikano dahil sa pagbenta ng Espanya sa’tin. Pagkaraan ng 48 na taon, saka lang natin nakamit ang totoong kalayaan mula sa mga Amerikano noong ika-4 ng Hulyo 1946.
Ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan noon tuwing ika-4 ng Hulyo, ngunit sa ilalim ng panunungkulan ni Diosdado Macapagal, ito ay binago at naging ika-12 ng Hunyo. Simula ika-28 ng Mayo hanggang ika-12 ng Hunyo ay ipinagdiriwang natin ang ating kalayaan, mga Pilipino!
Mayroon ka bang nais idagdag? Mag-usap tayo sa kahon sa ilalim ng artikulong ito!
Input your search keywords and press Enter.