8 Katangiang Ipinagmamalaki (Kuno) ng mga Pinoy, Luzon Edition
Aug 26, 2013 • Kel Fabie
Aug 26, 2013 • Kel Fabie
Ngayong Buwan ng Wika, napagtuonan ko ng pansin ang kagandahang taglay ng kulturang Pilipino, at napag-isipan kong alamin ang mga ipinagmamalaki nating katangian sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Anu-ano nga ba ang mga ito, at gaano naman sila katotoo?
Buhay na buhay ang industriya ng paglililok sa buong Pilipinas, lalung lalo na sa Paete, Laguna. At gaya nang nabanggit na namin dati, isa sa mga machete ng Paete si Leandro Baldemor.
Gaano Katotoo: 8/10. Dapat sana, 10/10, kaso hindi naman naging Machete si Leandro. Tumikim lang siya ng pinya.
Matipid daw ang mga Ilocano. Marunong maghanap ng paraan para mabawasan ang gastusin, at magaling ding makipagtawaran. Siyempre, may mga taong ginagawa itong negatibo at sinasabing “kuripot” sila, pero aminin na natin, nakakainggit kung totoo nga na marunong magtipid ang mga Ilocano.
Gaano Katotoo: 6/10, dahil kay Imelda Marcos. Siya ang pinakamalaking patunay at panira sa pagiging matipid ng mga Ilocano dahil sa kanyang libu-libong sapatos, at sa kanyang pakikipagtawaran sa 168 tuwing napapadpad siya roon.
(Puna ng Patnugot: Ilocano na rin si Imelda sa tagal ng pamamalagi niya dito, at sa pagkakahalal niya bilang Kongresista noong 2010.)
Ipinagmamalaki naman ng kalalakihan ng Bicol kung gaano sila kagaling dumiskarte, lalung lalo na sa mga babae. Siyempre, ang literal na ugat ng salitang “uragon” ay libog (passion), ngunit habang tumatagal, maging ang ibang aspeto ng pag-uugali, tulad ng pagiging mapangahas ay nasaklaw na rin nito.
Gaano Katotoo: 10/10, kung kabilang ang mga ipinamalas ni Jesse Robredo sa mga panuntunan ng tunay na pagka-uragon. Pero kung ihahanay naman natin si Aga Muhlach diyan, ewan ko lang.
…
Balisong. Kapeng Barako. Ala eh, tila ga matapang na matapang nga ang mga Batangueno!
Gaano Katotoo: 10/10, ayon kay Bob Garon, isang banyagang naninirahan sa Pilipinas, na ipinagmamalaki na tinutukan siya ng balisong ng kanyang nobya noon, kung kaya’t pinakasalan niya ito.
(Puna ng Patnugot: Kahit na sa Visayas ang Iloilo, maipagdadamot ba namin ang pamamahagi ng patalastas na ito?)
Ang mga Ilonggo, hindi marunong magalit. Kahit galit na sila, parang inaamo ka pa rin. Marami ang nagsasabi na kung Ilonggo ang maging guro mo, maswerte ka, pero kung naging nobyo o nobya mo naman ang Ilonggo, huwag mo na raw pakawalan.
Gaano Katotoo: 10/10, kung paniniwalaan natin si misstisay sa sulit. Pasensya na, siya lang ang napagtanungan namin, eh.
Hindi ko rin alam kung bakit, ngunit pagdating sa pagandahan, marami ang nagsasabing ang mga pinakamagagandang Pilipina sa Luzon ay nagmumula sa Bulacan. Kalimutan mo na ang paputok, ang mga pastillas at pulboron: kakaiba ang ganda ng mga taga-Bulacan.
Gaano Katotoo: 10/10. Naaalala ninyo pa ba si Michelle Aldana? Hindi lang siya maganda para sa mga Pinoy, nanalo pa siya ng Miss Asia-Pacific noong 1994. Naalala ko yun, kasi ako yung isa sa mga taga-abot ng bulaklak sa mga nanalo noong gabing iyon. Tingnan n’yo na rin kung ilan sa mga nananalo sa mga beauty pageants natin mula sa Luzon ang galing sa Bulacan. Magugulat kayo sa dami.
Tocino. Atsara. Bopis. Sisig. Kare-Kare. Ilan lang ito sa mga putaheng di-umano’y nagmula sa Pampanga. Matagal nang ipinagmamalaki ng mga Kapampangan kung gaano sila kagaling magluto.
Gaano Katotoo: 10/10. Maaaring may mga mas magaling pang magluto kaysa mga Kapampangan, ngunit mahirap itanggi na maraming iba’t ibang klaseng ulam ang hindi natin matitikman ngayon kung hindi dahil sa mga Kapampangan.
P.S. Kapampangan ang nanay ko at si Sharon Cuneta. Pareho silang magaling magluto.
Noong una, ilalagay ko sana na “disiplinado ang mga taga-QuezonCity,” kasi puro iyon ang nakapaskil sa lugar namin, kung saan ako nakatira. Pero matapos na muntik na akong masagasaan ng mga humaharurot na tricycle, tinawanan ko na lang yun. Sorry, Mayor Bistek.
Pero ang Subic? Aba, kakaiba. Sanay silang magbigayan sa batas-trapiko. Malinis ang mga kalye nila, na siguro, Baguio lang ang kayang makipagsabayan sa kanila.
Gaano Katotoo: 10/10. Isipin n’yo na lang kung gaano kalinis hanggang ngayon sa Subic, at kung gaano ka-disiplinado ang pinakasikat na produkto ng Subic: si Dick Gordon.
Kel Fabie. is a DJ, host, mentalist, satirist, comedian, and a long-time contributor to 8List (Hello, ladies!). He has an Oscar, a Pulitzer, a Nobel, and two other weirdly-named pet dogs. He blogs on mistervader.com.
Input your search keywords and press Enter.